![]()
Inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na wala pa silang nalilikhang national plan para sa flood control and drainage.
Ginawa ni DPWH Sec. Vince Dizon ang pag-amin sa hearing ng House Committee on Appropriations sa panukalang budget ng ahensya para sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Dizon na naging istratehiya ng departamento sa mga nakalipas na taon na magkaroon ng mga masterplan sa bawat ilog o major river basin, kaya wala aniya talagang consolidated national plan.
Sinabi rin ng kalihim na lahat ng labing-walong pangunahing river basins sa bansa ay mayroon nang flood control plan, ayon na rin sa rekomendasyon ng foreign partners ng DPWH.
Gayunman, labing-apat mula sa labing-walong plano aniya ay ina-update pa, at umaasa ang ahensya na matatapos ng kanilang foreign consultants ang updates pagsapit ng 2027.
Idinagdag ng DPWH chief na bagaman wala pang national flood control plan, suportado ng ahensya ang Master Plan on Infrastructure and National Development Bill na isang 30-year plan sa pag-develop ng mga istruktura sa bansa.
