dzme1530.ph

DOH, MULING KINASTIGO SA EXPIRED MEDICINES; GAMOT SA LEPTOSPIROSIS, IGINIIT NA IPAMAHAGI NA

Loading

MULING kinastigo ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Health dahil kada taon na lamang ay milyun-milyong pisong halaga ng mga gamot ang nasasayang dahil inabutan ng expiration.
 
Ikinarita rin ni Tulfo ang tinawag niyang pambubudol at pagsisinungaling ng DOH sa deklarasyong ibinabalik sa suppliers ang nag-expire na mga gamot gayung may nakuha siyang ebidensya na hindi isinasauli at sa halip ay ibinabaon sa Tala, Caloocan.
 
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget DOH, kinumpirma ni Tulfo na mayroon siyang source na sa pinapaborang suppliers binibili ang pa-expire na mga gamot upang may kickback.
 
Iginiit ni Tulfo na dapat may managot at mapugutan sa pagsasayang mga gamot na sana ay napakinabangan ng publiko.
 
Inamin naman ni Health Secretary Edwin Mercado na noong 2025, 217 million pesos na halaga ng mga gamot ang nag-expire kasabay ng pagtiyak na may ginagawa na silang sistema para hindi na maulit ang mga pag-aaksaya ng mga gamot.
 
Kasabay nito, pinagsabihan ni Tulfo ang DOH na bilisan na ang distribusyon ng mga gamot laban sa leptospirosis makaraang sabihin ni Mercado na mayroon pa silang stock na 3.1 million matapos makapamahagi ng 2.5 million na gamot.
 
Iginiit naman ni Senador Christopher Bong Go na palakasin din ng DOH ang information campaign sa pangangailangan na uminom ng doxycycline kapag lumusong sa baha upang makaiwas sa leptospirosis.
 
Nabanggit din ni Go na naglipana ang daga at katunayan sa kanyang opisina sa Senado at sa kanyang bahay ay mayroong daga na hindi pa rin mahuli-huli.

About The Author