![]()
SINITA ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission at Department of Energy sa nagpapatuloy na problema sa suplay ng enerhiya sa Visayas at Mindanao.
Sa pagdinig sa Senado kaugnay sa pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, iginiit ni Gatchalian na dapat magtulungan ang ERC at DOE sa pagresolba sa mga isyu ng mataas na halaga ng kuryente at madalas na yellow at red alert sa Visayas at Mindanao.
Binigyang-diin ni Gatchalian na sawang-sawa na ang mga consumers sa mataas na bayarin sa kuryente subalit palagi rin namang kapos sa suplay.
Ipinaalala ng Senate leader na pangalawa na ang Pilipinas sa pinakamataas na presyo ng kuryente sa buong Southeast Asia kasunod ng Singapore.
Iginiit ng senador na hindi dapat palampasin ang mga ganitong isyu at kailangang maglatag ng konkretong solusyon.
Kinuwestiyon naman ni Senate Energy Committee Chairman Erwin Tulfo kung bakit kailangang tumaas ang presyo ng kuryente gayung malaking pinanggagalingan nito ay coal at nasa 15–20 percent lamang ang mula sa fuel.
Ito ay makaraang sabihin ng ERC na ang pagtaas ng kuryente ay bunsod ng epekto ng giyera sa Gitnang Silangan kung saan nanggagaling ang malaking suplay ng langis.
