![]()
Determinado si Albay 3rd District Rep. Raymond Adrian Salceda na gawing sustainable ang pagde-develop ng lahat ng natural at historical destination sa bansa.
Sa sponsorship speech nito sa apat na panukalang batas para sa bagong ecotourism sites sa Albay, nais nitong tiyakin na ang mga pasyalan sa bansa ay protektado ang kapaligiran at lumilikha ng karagdagang trabaho sa lokal na komunidad.
Sa Albay, hindi lang aniya ang Mayon Volcano ang puwedeng pasyalan, kundi may mga bundok, kuweba at underground river ding puwedeng idagdag sa tourism map ng lalawigan.
Giit ni Salceda, naroon na ang oportunidad at mga pasyalan. Ang tanging hamon ay kung paano ito bubuksan sa turismo nang hindi nasisira ang lugar.
Nanindigan ang mambabatas sa kanyang apat na panukala para sa common principle na susundin sa pagde-develop ng turismo.
Ang mga ito ay environmental conservation, heritage protection, at oportunidad sa kabuhayan ng local host communities.
Ang mga panukala ni Salceda ay ang HB No. 4002 o Sustainable Development ng Mount Quiasog sa Libon, Albay bilang ecotourism destination.
HB No. 4008 na kumikilala sa Simeon Ola Cave bilang ecotourism site at preserbasyon sa alaala ni Gen. Simeon Ola.
HB No. 4010, para sa maingat na pagde-develop sa Jovellar Cave at Underground River, na isang DENR-designated Class II cave.
At ang HB No. 4013, para sa pagde-develop ng Buhawi Hills bilang trekking, ecoadventure, at iba pang sustainable tourism activities.
