![]()
KUMPIYANSA si Senador Sherwin Gatchalian sa kakayahan ni Senador Francis Tolentino at tiyak na magagampanan ng maayos ang bagong tungkulin bilang kalihim ng Department of Labor and Employment.
Sinabi ni Gatchalian na naniniwala siyang malaking ambag ang malawak na karanasan ni Tolentino sa larangan ng batas at ang matibay nitong kaalaman sa mga polisiya at pamantayan sa paggawa upang matugunan ang mga kinahaharap na hamon ng mga manggagawa sa bansa.
Ayon pa sa senador, inaasahan niyang maisusulong ng bagong kalihim ang proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa habang pinalalakas ang sektor ng paggawa.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na mahalagang mapatatag ang labor sector lalo na sa gitna ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng bansa, kabilang ang pangangailangang higit pang pasiglahin ang ekonomiya upang makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Ipinahayag din niya ang kumpiyansa na sa pamumuno ni Tolentino sa DOLE ay mas mapapalawak ang mga hakbang na tututok sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga manggagawang Pilipino.
