![]()
Ang pag-inom ng pain reliever ay karaniwang paraan upang maibsan ang sakit ng ulo, pananakit ng katawan, at iba pang uri ng pananakit.
Ngunit ayon sa mga health expert, ang araw-araw na paggamit ng gamot na ito nang walang payo ng doktor ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Ang mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs o NSAIDs, gaya ng ibuprofen at naproxen, ay maaaring magdulot ng iritasyon at pagdurugo sa tiyan at ulcer.
Sa ilang tao, maaari ring magpataas ang mga ito ng presyon ng dugo at magdagdag ng panganib sa problema sa bato, tiyan, puso at bato, lalo na kapag matagal o mataas ang dosage ng paggamit.
Samantala, ang paracetamol o acetaminophen, kapag nasobrahan ang pag-inom, ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala sa atay.
Mahalagang tandaan na maaari ring may paracetamol ang ilang gamot para sa sipon at trangkaso, kaya dapat suriin ang mga sangkap upang maiwasan ang aksidenteng pagdoble ng dosage.
Isa pa sa mga posibleng epekto ng madalas na paggamit ng pain reliever ay ang medication-overuse headache. Ito ay kalagayan kung saan mas lalong nagiging madalas o tuloy-tuloy ang pananakit ng ulo dahil sa sobrang paggamit ng mga gamot laban sa sakit ng ulo.
Kung araw-araw nang kailangang uminom ng pain reliever, makabubuting kumonsulta sa doktor upang matukoy ang sanhi ng pananakit at ang mas angkop na paraan ng paggamot.
Agarang humingi ng medikal na tulong kung, matapos uminom ng gamot, makaranas ng pagsusuka ng dugo, maitim na dumi, matinding pananakit ng tiyan, paninilaw ng balat o mata, o hirap sa paghinga.
