![]()
Patay ang barangay chairman ng Sta. Anastacia, Santo Tomas City, Batangas, matapos na paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga salarin na riding in tandem sa loob mismo ng kanyang bahay sa My Homes Subdivision ng nasabing lungsod dakong alas-6:00 ng umaga noong Huwebes, October 15, 2026.
Kinilala ang biktima na si Barangay Kapitan Dennis Austria, 50 anyos, dating number one barangay kagawad sa lugar na pumalit bilang barangay chairman matapos italaga bilang city administrator ang kanyang pinalitan na dating kapitan ng barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng Sto. Tomas City Police Station, nagwawalis umano sa loob ng kanilang bahay ang biktima nang lapitan ng gunman at pinaputukan nang sunod-sunod. Naisugod pa sa Saint Cabrini Hospital ang biktima, subalit idineklarang dead on arrival ng mga rumespondeng doktor.
Mabilis na tumakas ang dalawang salarin patungo sa direksyon ng Calamba City, Laguna. Nangako naman si Santo Tomas City Mayor Atty. Arth Jun Marasigan na magbibigay ng pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon at pagkakakilanlan sa mga suspek na bumaril sa barangay chairman.
Nagpapatuloy ngayon ang hot pursuit at follow-up operation ng mga awtoridad sa mga salarin habang inaalam pa ang tunay na motibo sa ginawang pamamaslang sa biktima.
