dzme1530.ph

Alyansa bets, hati sa panukalang alisin ang VAT sa kuryente

Loading

Hati ang pananaw ng senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa panukalang alisin na ang ipinapataw na VAT sa kuryente upang bumaba ang singil sa consumers.

Para kina dating Interior Secretary Benhur Abalos at dating Senador Manny Pacquiao, isa sa paraan upang matulungan ang mamamayan na makaagapay sa mga gastusin ay ang alisin na ang VAT sa kuryente.

Sinabi ni Abalos na noong siya pa ang kongresista ng Mandaluyong, tinutulan niya ang batas na magpapataw ng VAT sa kuryente dahil malinaw na dagdag pasanin ito sa mamamayan.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Abalos na kung maibababa ang gastusin sa elektrisidad sa bansa, mas marami pang investors ang mahihikayat na maglagak ng puhunan sa Pilipinas na kinalaunan ay magdudulot ng dagdag na trabaho para sa mga Pilipino.

Kinatigan ito ni Pacquiao subalit iginiit din ang posibilidad na pag-aralan na ang paggamit ng nuclear power bilang alternatibong source ng enerhiya.

Gayunman, para kina dating Senate President Tito Sotto at Makati City Mayor Abby Binay kailangan munang pag-aralan nang mabuti ang panukalang tanggalin ang VAT sa kuryente.

Sinabi nina Sotto at Binay na dapat makwenta magkano ang mawawala sa kita ng gobyerno na inilalaan din sa mga programa para sa kapakanan ng mamamayan sa hakbang na ito.

Kailangan anilang magkaroon ng ibang pagkukunan ng mawawalang kita upang hindi rin lumaki ang budget deficit ng bansa.

About The Author