![]()
Nanindigan ang kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez na ang 90-day preventive suspension na ipinataw ng Sandiganbayan sa kanya ay hindi nangangahulugang guilty ito sa kasong kinakaharap.
Sinabi ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel ni Romualdez, na mismong ang Sandiganbayan ang nagsabi na patuloy pang inaalam ang katotohanan sa alegasyon ng plunder at pagtanggap ng kickbacks laban sa kongresista.
Iginiit ni Fajardo na hindi pa napatutunayang guilty sa kasong plunder si Romualdez at hindi pa napapatunayan na tumanggap ito kahit na piso sa illegal commissions o kickbacks.
Binigyang-diin ni Fajardo na ang preventive suspension ay mandatory alinsunod sa batas.
Ipinag-utos ng Sandiganbayan Third Division ang 90-day suspension laban kay Romualdez na nakadetine dahil sa kasong ₱7.4 billion plunder.
Alinsunod sa suspension order, pinatitigil si Romualdez na gampanan ang tungkulin bilang kongresista ng 1st District ng Leyte.
