dzme1530.ph

ALAMIN KUNG ANO ANG KONDISYONG TINATAWAG NA LOCKED-IN SYNDROME

Loading

Isang bihirang neurological condition ang Locked-In Syndrome kung saan nananatiling mulat, gising at may normal na pag-iisip ang isang tao, pero halos hindi na niya maigagalaw ang kanyang katawan o makapagsalita dahil sa matinding paralisis.

Sa kondisyong ito, maaaring hindi makakilos, makapagsalita, makalunok o makapagpakita ng facial expressions ang pasyente.

Gayunman, nananatiling buo ang kanyang kamalayan at kakayahang umunawa sa mga nangyayari sa kanyang paligid.

Sa karamihan ng mga kaso, napapanatili ang kakayahang pigilin o igalaw ang mga mata pataas at pababa, at kumurap.

Ito ang maaaring gamitin ng pasyente upang makipag-ugnayan sa mga tao sa kanyang paligid, gaya ng paggamit ng eye blinks bilang “oo” o “hindi.”

Karaniwang sanhi ng Locked-In Syndrome ang stroke na nakaaapekto sa utak, lalo na sa bahaging pontine region na kumokontrol sa mga signal para sa paggalaw.

Maaari rin itong maidulot ng trauma sa utak, infection, ilang neurological diseases o iba pang kondisyong nakaaapekto sa utak.

Dahil sa kawalan ng kakayahang makapagpakita ng reaksyon o makapagsalita, maaaring mapagkamalan ang Locked-In Syndrome bilang coma o kawalan ng kamalayan.

Kaya mahalaga ang masusing medical assessment at mga imaging test gaya ng CT scan o MRI upang matukoy ang kondisyon at sanhi nito.

Maaaring makatulong ang physical at speech therapy, gayundin ang communication devices na kontrolado sa pamamagitan ng mata o blinking. Sa ilang kaso, gumagamit din ng technology na nakakakilala sa brain signals upang makatulong sa pagbuo ng mensahe o pagkontrol ng computer.

About The Author