![]()
Ang pagkahimatay ay karaniwang nararanasan dahil sa biglaang pagbaba o pagtigil ng daloy ng dugo papunta sa utak.
Ayon sa mga doktor, maraming sanhi ang pagkahimatay kabilang ang matinding pagod, init ng panahon, gutom, stress, o kaya naman ay mga kondisyong medikal tulad ng hypotension at hypoglycemia.
Ipinapayo ng mga eksperto na kung may taong biglang nahilo at nawalan ng malay, agad itong ihiga sa patag na lugar at itaas ang mga paa ng 12 inches upang mapabilis ang pagdaloy ng dugo papunta sa utak.
Dapat ding lumuwag ang masisikip na damit at tiyaking may sapat na hangin sa paligid.
Mahalaga ring suriin kung humihinga ang pasyente.
Kung hindi ito humihinga o walang pulso, kailangang magbigay ng agarang CPR habang hinihintay ang pagdating ng mga emergency responders.
Pinapayuhan din ang publiko na huwag agad painumin ng tubig o pakainin ang taong kakagising pa lamang mula sa pagkahimatay.
Mas mainam na hayaang makabawi muna ito ng lakas at malay bago bigyan ng anumang inumin o pagkain.
Agad namang isugod sa ospital ang pasyente kung ang pagkahimatay ay tumagal ng higit sa ilang minuto, paulit-ulit na nangyayari, o may kasamang pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga, o panghihina ng katawan—mga sintomas na maaaring may kaugnayan sa mas malubhang kondisyon tulad ng heart attack.
