dzme1530.ph

Human trafficking at cyber fraud sa Clark, pinabubusisi sa senado

Pinabubusisi ni Senador Grace Poe sa Senado ang sinasabing human trafficking at cyber fraud operation sa Clark Sun Valley Hub Corporation.

Sinabi ni Poe na dapat malaman ang totoong ugat ng human trafficking sa bansa at ano ang mga paraan upang ito ay maihinto.

Inihain ni Poe ang Senate Resolution No. 595 matapos ang raid sa isang kumpanya na nag-o-operate sa loob ng Clark Freeport Zone at nagresulta sa pag-rescue ng kabuuang 1,048 biktima ng human trafficking na may iba’t ibang nasyonalidad kabilang ang mga Pilipino.

Ang mga nailigtas na mga manggagawa ay napaulat na pinipilit na magtrabaho sa cyber fraud na kinasasangkutan ng crypto currencies.

Kailangan anyang agad na matukoy ang existence at ipatigil ang operation ng mga ‘scam hub’ na ito sa bansa para sa proteksiyon ng mamamayan at ng mga dayuhan.

Sinabi pa ni Poe na dapat ipaliwanag din ng Bureau of Immigration ang presensya ng mga dayuhang manggagawa at ipakita kung anong visa ang hawak nila.

Idinagdag pa ng senadora na dapat paigtingin ng ibang law enforcement agencies tulad ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Presidential Anti-Organized Crime Commission at Inter-Agency Council on Anti-Trafficking ang kanilang operasyon laban sa human trafficking ng mga dayuhan sa bansa. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author