![]()
NANAWAGAN si Senator Jinggoy Estrada ng pagpapakita ng pagpipigil at pagpapatuloy ng diplomasya sa gitna ng mga panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.
Sinabi ni Estrada na nauunawaan niya ang pagkadismaya ng publiko sa kamakailang pahayag ng Chinese Envoy na madaling manalo ang Beijing kung gugustuhin nitong gumamit ng puwersa.
Gayunman, binigyang-diin ng senador na hindi makabubuti ang padalus-dalos na pagkilos bilang tugon sa mga pahayag ng diplomat.
Ayon kay Estrada, dapat mahigpit na iprotesta ng Pilipinas ang mga ganitong pananalita at igiit ang paggalang sa bansa, nang hindi isinasara ang pinto para sa dialogo.
Binigyang-diin din ni Estrada na dapat manatiling nakabatay sa batas, katotohanan at karapatan ng pilipinas ang paninindigan nito sa West Philippine Sea.
Iginiit niya na ang 2016 arbitral award ay hindi lamang opinyon kundi isang mahalagang batayan ng paninindigan ng Pilipinas na dapat igalang.
Idinagdag pa ng senador, kung tunay na hangad ng Beijing ang kapayapaan, dapat nitong igalang ang nasabing arbitral award.
Nanawagan din si Estrada sa lahat ng panig na magpakita ng pagpipigil at piliin ang diplomasya, paggalang sa isa’t isa, at pagsunod sa rule of law sa paghawak sa usapin sa West Philippine Sea.
