![]()
Sinuspinde ang impeachment trial kaninang umaga nang hindi pagbigyan ng korte ang hiling ng prosekusyon na ipagpaliban ang presentasyon sa testigo mula sa Bureau of Internal Revenue o BIR.
Sa pagsisimula ng Day 36 ng impeachment trial, nakiusap si Cong. Terry Ridon na payagan silang unahing iharap ang forensic expert na si Atty. Alexander Cabrera.
Ito ay dahil may sakit ang presenting prosecutor na si Atty. Erwin Matib mula sa prosekusyon.
Mahigpit na tinutulan ng defense panel sa pangunguna ni Atty. Shiela Sison ang hiling ng prosekusyon dahil bukod sa short notice ay napaghandaan na nila ang pagharap ng testigo mula sa BIR.
Iginiit pa ni Sison na sa dami ng mga miyembro ng prosekusyon ay mayroon namang maaaring pumalit kay Matib.
At kahit na naglabas ng ruling si Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na unahin ang direct examination sa forensic expert subalit sususpendihin kapag dumating si Matib para simulan ang presentasyon ng BIR witness ay nagpatuloy ang pagtutol ng depensa.
Sinabi ni Sison na mas praktikal na unahing iharap ang BIR witness bago ang forensic expert.
Hindi rin naman aniya sila ang dapat mag-adjust sa kakulangan ng prosekusyon.
Sa huli, nagkasundo ang senator judges at nagdesisyon si Escudero na magdeklara ng early lunch at magre-resume mamayang hapon para pa rin sa presentasyon ng BIR witness.
Kung wala aniya si Matib ay mas magandang palitan ito at kung wala ay bukas na lamang ituloy ang paglilitis.
