dzme1530.ph

HEALTH AUTHORITIES AT MGA LGU, HINIMOK NA PALAKASIN ANG PAGHAHANDA SA SUPER EL NIÑO

Loading

NANAWAGAN si Senador Christopher “Bong” Go sa mga health authorities at local government units na palakasin ang paghahanda sa posibleng epekto sa kalusugan ng lumalakas na El Niño.
 
Kabilang sa mga pangunahing banta ang matinding init, kakulangan sa tubig, at posibleng pagdami ng mga kaso ng heat-related, waterborne at vector-borne diseases.
 
Ayon sa PAGASA, maaaring lumala ang kasalukuyang malakas na El Niño at umabot sa “very strong” na antas sa huling bahagi ng 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.
 
Binigyang-diin ni Go na dapat lalo pang palakasin ang mga health center sa barangay, lalo na para sa mga mahihirap na pamilya, senior citizens, mga bata, outdoor workers at mga may dati nang karamdaman.
 
Hinikayat din ng senador ang DOH, mga LGU at mga health facility na maghanda ng sapat na gamot, malinis na inuming tubig, cooling measures at health personnel sa mga lugar na posibleng makaranas ng matinding init at kakulangan sa tubig.
 
Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng primary care at maagang pagtukoy sa mga sakit upang maiwasan ang paglala ng kondisyon at pagkakaospital.
 
Sa pamamagitan ng kooperasyon ni Go, ng ibang mambabatas, DOH at mga local government, nakapaglaan ng pondo para sa mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa.
 
Hinikayat naman ni Go ang publiko na palaging uminom ng sapat na tubig, iwasan ang hindi kailangang pagbibilad sa matinding init, panatilihing ligtas ang pagkain at inumin, alisin ang mga pinamumugaran ng lamok, at agad magpatingin kapag makaranas ng malubhang sintomas.
 
Iginiit ni Go na kailangan ang patuloy na koordinasyon ng DOH, PAGASA, mga LGU at iba pang ahensya upang makapaghanda ang mga komunidad bago pa maranasan ang pinakamatinding epekto ng El Niño.

About The Author