dzme1530.ph

KAHANDAAN NG GOBYERNO SA SUPER EL NIÑO, PINASUSURI SA SENADO

Loading

ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Estrada ang resolusyon upang busisiin ng Senado ang paghahanda ng mga ahensya ng gobyerno kaugnay sa babala ng weather bureau hinggil sa “super-sized” na El Niño na maaaring humagupit sa bansa hanggang 2027.
Inihain ni Estrada, pangunahing may-akda at sponsor ng makasaysayang Republic Act No. 12287 o ang “Declaration of State of Imminent Disaster Act,” ang Senate Resolution No. 656, na naghihimok ng pagtatalaga ng komite sa mataas na kapulungan para magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.
 
Sinabi ni Estrada na hindi dapat magpahuli ang Senado sa pagkilos lalo’t naririyan na ang babala ng weather bureau at maging ng mga international experts.
 
Ang kailangan aniya ngayon ay tiyakin na handang tumugon ang gobyerno, hindi lamang sa papel, kundi sa aktwal na sitwasyon.
 
Binanggit ni Estrada na isinabatas na ang RA 12287 para mismo sa mga inaasahang panganib na may matinding epekto sa mamamayan.
 
Ang RA 12287, ang batas na pinangunahan ni Estrada sa Senado at naglagay sa Pilipinas bilang kauna-unahan sa Asya – at posibleng sa buong mundo – na nagpapatupad ng anticipatory disaster action, ay nagpapahintulot sa gobyerno na magdeklara ng “State of Imminent Disaster” bago pa man tumama ang kalamidad, magsagawa ng mga paghahanda at emergency measures, pati na ang paglalaan ng kinakailangang pondo para sa mga ito.
 
Sa kanyang SRN 656, binanggit ni Estrada ang abiso ng PAGASA na nagsasaad na mayroon nang umiiral na “moderate” hanggang “strong” na El Niño sa tropical Pacific at maaaring maging mas matindi pa sa pagtatapos ng taon.
 
Iginiit ni Estrada na ang exceptional El Niño ay nangangailangan ng exceptional preparation and response.
 
Sa harap ng banta ng El Niño, isinusulong din ni Estrada na gamitin ng Senado ang oversight powers nito o pagsubaybay upang matiyak na ang RA 12287 at iba pang umiiral na batas ukol sa sakuna — kabilang ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act at ang Climate Change Act — ay maayos na naipatutupad sa mga komunidad.

About The Author