![]()
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na ni-raid nila ang ilang kabahayan sa Valle Verde Subdivision sa Pasig noong nakaraang buwan.
Kasunod ito ng intelligence report na mayroon umanong itinatagong high-powered firearms sa loob ng properties.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nagsagawa ang kanilang mga tauhan ng raids noong Aug. 24 at kalaunan ay na-verify ang properties na pag-aari ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Inihayag din ni Matibag na batay sa NBI records, umalis sa Pilipinas si Velasco para magtungo sa Nagoya, Japan, noong Aug. 30, anim na araw matapos ang mga pagsalakay.
Nilinaw ng NBI chief na ongoing ang imbestigasyon sa properties at reported firearms.
Batay sa imbestigasyon, tugma ang mga ni-raid na bahay sa mga address na binanggit sa affidavit ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. na nagpakilalang dating tauhan ni Velasco.
Una nang ibinunyag ni Gracioso na nag-deliver siya ng malaking halaga ng pera kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Davao City Cong. Paolo Duterte, alinsunod sa utos ng noo’y House Speaker.
