![]()
Narekober na ng mga awtoridad ang SUV na nahulog sa Tarlac River makaraang bumagsak ang bahagi ng Agana Bridge noong Aug. 29.
Gayunman, sinabi ng Tarlac Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na walang natagpuang katawan sa loob ng sasakyan.
Nadiskubre ang SUV halos dalawang kilometro mula sa Agana Bridge matapos bumaba ang lebel ng tubig sa ilog.
Isang residente na nangingisda sa lugar ang nakakita sa gulong ng sasakyan na nakalutang sa tubig, subalit hindi agad ito naiahon dahil nakalubog sa buhangin ang SUV.
Gumamit ng backhoe ang mga awtoridad para maalis ang buhangin na nakapaligid sa sasakyan saka ito iniangat mula sa ilog.
Mula sa limang sakay ng SUV na nahulog sa ilog, isa ang nakaligtas, dalawa ang narecover na ang mga labi, habang dalawa pa ang nawawala.