![]()
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensya na pagkalooban ng kinakailangang tulong ang mga naulilang pamilya ng dalawang tripulanteng Pinoy na nasawi matapos tamaan ng “unknown projectile” ang Saudi Arabia-flagged oil tanker habang patawid sa Strait of Hormuz.
Sa press briefing kanina, ipinaabot ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang pakikiramay ni Pangulong Marcos at ng administrasyon sa mga pamilya at mahal sa buhay ng dalawang nasawing seafarers mula sa Cabuyao, Laguna at Daanbantayan, Cebu.
Aniya, ipinag-utos ng Pangulo na agad tulungan ang mga naulilang pamilya at ibigay ang lahat ng kailangan nila, pati mga benepisyo, kompensasyon, at insurance proceeds na dapat ipagkaloob sa mga nasawing Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, 16 Filipino seafarers ang sakay ng “SIDR” tanker nang mangyari ang pag-atake, subalit 14 lamang ang nakaligtas nang dumaong ang barko sa Oman.
