dzme1530.ph

DALAWANG BANGKAY NG BATANG NAIULAT NA NALUNOD SA LAKE MAPANUEPE, NATAGPUAN NA

Loading

San Marcelino, Zambales – Natagpuan na ang dalawang bangkay ng mga batang nalunod sa Lake Mapanuepe noong nakaraang araw, Agosto 27, 2026, ayon sa ulat ng mga awtoridad kahapon, Agosto 29.
 
Sa ulat, bandang 10:10 ng umaga, habang nasa motorized banca mula Sitio Lumibao patungong Buhawen Proper, napansin nina Marcelo Balario at limang iba pang residente ng Barangay Buhawen ang isang walang-buhay na katawan ng bata na lumulutang sa bahagi ng lawa.
 
Agad itong iniretrieve ng mga residente at dinala sa Buhawen Proper kung saan positibong kinilala ng kanyang amang si Deolito Pabalan ang bangkay bilang si Chandrea Dela Cruz Pabalan, isa sa mga naiulat na nawawala sa insidente ng pagkalunod.
 
Hindi nagtagal, nagpatuloy ang mga responding personnel sa isinasagawang Search, Rescue and Retrieval (SRR) Operation sa nasabing lawa. Bandang 11:05 ng umaga, isa pang bangkay ng bata ang natagpuan at matagumpay na na-retrieve.
 
Kinilala naman ito ng kanyang amang si Palito Liwanag bilang si Angelito Liwanag.
 
Matapos ang retrieval, agad na dinala ang mga labi ng dalawang bata sa FAMA Funeral Home Service para sa kaukulang pag-aasikaso.
 
Samantala, patuloy ang isinasagawang search and retrieval operation ng mga awtoridad para sa isa pang nawawalang biktima—isang buntis na naisabay ring nalunod sa insidente.
 
Ayon naman sa pamahalaang lokal, sasagutin ng LGU San Marcelino ang gastusin para sa funeral services ng dalawang batang biktima bilang bahagi ng patuloy nitong pagtugon at suporta sa mga naiwang pamilya.
 
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente ng pagkalunod na ikinasalanta ng tatlong indibidwal sa Lake Mapanuepe.

About The Author