![]()
OLONGAPO CITY – Nagbabala si Barangay Gordon Heights Captain Priscilla “Echie” Ponge ngayong araw matapos bumigay ang isang creek sa Block 9, Long Road na nagsisilbing daanan ng tubig mula sa mas mataas na bahagi ng bundok at proteksyon din ng mga residente sa nasabing lugar.
Ayon kay Kapitan Ponge, sumuko ang nasabing creek at pader sa lakas ng halos magkasunod na pag-ulan sa nakalipas na mga araw, na nagdulot ng pagguho ng lupa at pag-crack sa istruktura.
“Malaking peligro ito sa kaligtasan ng ating mga kababayan lalo na sa mga nakatira sa ibabang bahagi ng kabundukan,” pahayag ng kapitan.
Mabilis namang nag-inspeksyon ang barangay authorities at inabisuhan ang mga residenteng malapit sa apektadong lugar na maging alerto at lumikas kung kinakailangan.
Pinapaalalahanan din ng barangay ang publiko na iwasan munang dumaan sa bahagi ng Long Road habang isinasagawa ang assessment at posibleng repair ng nasirang kanal.
Mananatiling nakaalerto ang barangay disaster team upang bantayan ang kalagayan ng pader at iba pang istruktura sa lugar. Patuloy na mino-monitor ang sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng residente.