![]()
Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino ang pangangailangang pondohan ng gobyerno ang mga totoong flood control projects tulad sa mga lungsod ng Marikina at Navotas.
Kaugnay nito, tiniyak ni Aquino na bubusisiin nilang mabuti ang panukalang 2027 National Budget, partikular ang mahigit nakapaloob ditong 100 billion pesos na unprogrammed fund upang matiyak na hindi ito mailalaan sa flood control projects.
Dapat din anyang pag-aralang mabuti ang distribusyon ng flood control projects at bigyang prayoridad ang mga congressional district na madalas na binabaha.
Hindi anya katanggap-tanggap ang sinabi ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na noong 2025 ay pantay-pantay ang distribusyon ng flood control projects kahit sa mga lugar na walang baha.
Inihalimbawa ng senador ang mga proyekto sa Marikina at Navotas na kahit noong panahon ng Bagyong Ondoy ay naging epektibo sa mabilis na pagpapahupa ng baha.
Binanggit na niya na pinatunayan ni Cong. Toby Tiangco na sa pagtustos ng pondo sa navigational gate, coastal dike at network ng pumping stations ay makokontrol ang pagbaha.
Patuloy din ang pagsusulong ni Aquino ng agarang pagpasa ng proposed Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability Act na kilala ring Blockchain the Budget Bill upang mapalakas ang transparency at pananagutan sa paggastos ng gobyerno.
Ang panukala ay lusot na sa third and final reading sa Senado noong December 15, 2025.
