![]()
SA ika-17 araw ng impeachment trial, halos sukuan ng ilang senator judges ang pagtatanong kay dating Special Disbursing Officer Gina Acosta dahil mistulang template na sagot nito hinggil sa pagdidisburse ng confidential fund ng Office of the Vice President na umaabot sa P500 million.
Sumentro ang pagtatanong ng ilang senador kay Acosta sa pagtitiwala niya ng buong confidential fund kay kanilang security officer na si Col. Raymund Lachica.
Binusisi nina Senator Judges Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Juan Miguel Migz Zubiri, Panfilo Lacson, Tito Sotto, Joel Villanueva kung bakit sa kabila ng mabigat na pananagutan ni Acosta ay halos ipinaubaya na niya kay Lachica ang pagpapalabas ng pondo.
Naging paulit-ulit naman ang sagot ni Acosta na ibinigay niya ang pondo kay Lachica batay sa utos ni Vice President Sara Duterte at nagtiwala siya sa lahat ng dokumentong ibinigay sa kanya ni Lachica para sa utilization ng pondo.
Binigyang-diin ni Acosta na ang atas sa kanya ni VP Sara ay agad na ibigay ang pera kay Lachica sa sandaling ma-encash ito.
Sa pagtatanong ni Senador Panfilo Lacson, binanggit ni Acosta na ang unang withdrawal niya ng P125 million noong 2022 ay hindi na niya naipasok sa kanilang vault dahil agad niya itong ibinigay kay Lachica, habang ang tatlo pang tig-P125 million ay naibigay niya ng tatlong tranches.
Sinubukan pang pigain ni Lacson si Acosta kaugnay naman sa paglagda niya sa mga dokumento kahit na hindi niya nakumpirma ang mga tumanggap ng pera, subalit sa huli ay sumuko ang senator judge at sinabing wala siyang makuha kay Acosta.
Sinubukan namang busisiin ni Sotto si Acosta kaugnay kung naniniwala siyang kaya ni Lachica na pangasiwaan ang paggastos ng pondo noong 2022 sa loob ng 11 araw sa 132 areas.
Subalit tumigil sa pagtatanong si Sotto at sinabing ayaw niyang marinig ang template na sagot nang ulitin ni Acosta ang sagot na si Lachica ang eksperto sa implementasyon ng confidential activities.
Samantala, sa unang pagkakataon ay nagtanong si Senator Judge Lito Lapid na may kinalaman sa pagkakabanggit sa kanyang apelyido sa recipient ng confidential fund.
Tinanong ni Lapid si Acosta kung paano matitiyak na totoong tao at hindi lamang ginamit sa paglabas ng pondo.
Kaparehong concern din ang binanggit ni Senador Risa Hontiveros sa kanyang pagtatanong dahil nabanggit din ang kanyang apelyido sa tumanggap ng pondo na inilabas aniya sa kanyang birthday noong February 24, 2023.