![]()
KINUMPIRMA ni Gina Acosta, dating special disbursing officer ng Office of Vice President, na mismong si VP Sara Duterte ang nag-utos sa kanya na ibigay kay VPSPG Commanding Officer at Security Officer Col. Raymund Dante Lachica ang winidraw nilang confidential fund na umaabot sa P125 million noong 2023.
Sa impeachment trial, sinabi ni Acosta na siya lamang ang kumuha ng pera bilang disbursing officer, subalit si Lachica ang nagpatupad ng confidential activities ng OVP noong 2023.
Nilinaw naman ni Acosta na hindi naman si Lachica ang recipient per se ng pondo, kundi siya lamang ang nagpatupad ng mga programa para sa pagpopondo.
Samantala, hindi pa natapos ang direct examination ng prosecution kay Acosta dahil maagang nag-adjourn ang hearing bunsod ng masamang panahon.
Si Acosta ay idineklarang hostile witness dahil sa adverse interest batay sa Rule 132, Section 13 ng 2019 Rules on Evidence.
Kasabay nito, pinagbigyan ng Impeachment Court ang hiling ng pinatatawag ding testigo na si Lemuel Ortonio na i-excuse muna siya sa pagdinig ngayong linggo dahil kinakailangan niyang kumuha ng licensure examination. Pinahaharap na lamang sa korte si Ortonio sa susunod na linggo.
Iniulat din ni Escudero na natapos na ng clerk of court ang paghahambing sa mga acknowledgement receipts na iprinisinta ng Prosecution at Defense kaugnay sa paggamit ng confidential fund ng OVP at Department of Education.
Ipinaliwanag ng presiding officer na 3,616 acknowledgement receipts ang common sa dalawang panig, kabilang ang 2,666 mula sa OVP at 950 sa DepEd.
Sa kabuuang 4,492 acknowledgement receipts ng prosecution, 876 ang walang counterpart mula sa respondent.
