dzme1530.ph

PNP, NAGBABALA SA BAGONG SCAM NA QUISHING

Loading

NAGBABALA ang Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa bagong scam tactic na tinatawag na quishing o QR phishing, na gumagamit ng pekeng QR codes upang makuha ang personal at financial information ng mga biktima.
 
Natuklasan ng mga awtoridad na bahagi ng modus ang paggamit ng QR code na nagre-redirect sa isang pekeng website na idinisenyo upang makuha ang sensitibong impormasyon ng mga gumagamit.
 
Kaugnay nito, hinimok ni PNP-ACG Director Police Major General Wilson Asueta ang publiko na beripikahin muna ang mga QR code bago magsagawa ng online payments.
 
Iginiit ni Asueta na hindi lahat ng QR code na naka-post sa mga tindahan ay inilagay ng authorized owner.
 
Samantala, sa kabila ng paglitaw ng bagong scam na ito, sinabi ng PNP-ACG na bumaba ang bilang ng mga online scam victims ngayong taon.
 
Mula Enero hanggang Hunyo, nakapagtala ang PNP ng 510 online selling scam cases, na 50 porsiyentong mas mababa kumpara sa 1,060 insidente sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
 
Ayon kay Asueta, malaking dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga scam incidents ang mas mataas na antas ng awareness ng publiko sa iba’t ibang modus ng mga scammer.

About The Author