![]()
Nagbabala ang Manila Health Department (MHD) sa publiko na mag-ingat laban sa mga sakit na karaniwang tumataas tuwing tag-ulan matapos makapagtala ng tatlong bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Batay sa datos noong Hulyo 16, nakapagtala rin ang Maynila ng isang bagong kaso ng leptospirosis at tatlong kaso ng dengue. Wala namang naitalang bagong kaso ng cholera, typhoid fever, influenza-like illness, at severe acute respiratory infection.
Mula Enero 1 hanggang Hulyo 16, umabot na sa 1,961 ang kabuuang kaso ng dengue, 773 ang influenza-like illness, 240 ang severe acute respiratory infection, 94 ang leptospirosis, 60 ang COVID-19, 57 ang typhoid fever, at tatlong kaso ng cholera.
Dahil dito, hinikayat ng MHD ang mga residente na panatilihing malinis ang kapaligiran, alisin ang mga pinamumugaran ng lamok, uminom ng malinis na tubig, at agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center kapag nakaranas ng mga sintomas.
