![]()
Kinondena ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang AI-generated video ng China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy at tinawag ito na hayagang racism, mapanghamak, at lubos na hindi katanggap-tanggap.
Ayon kay Pangilinan, hindi nararapat ang ganitong uri ng nilalaman mula sa isang media organization na nagsasabing naglilingkod sa katotohanan, lalo na’t isa itong state-run media outfit na kumakatawan sa isang bansa.
Sinabi pa ng senador na mas nakalulungkot dahil nagmula ang nasabing video sa China, sa kabila ng pagkakaranas din ng mamamayan nito ng diskriminasyon at racism sa iba’t ibang panig ng mundo.
Binigyang-diin ni Pangilinan na sa halip na magtaguyod ng pag-unawa at paggalang, ang ganitong uri ng propaganda ay hindi lamang nang-iinsulto sa mga Pilipino kundi nakasisira rin sa layunin ng China na makilala bilang isang responsable at iginagalang na kasapi ng international community.
Nanawagan din ang senador sa pamahalaan ng People’s Republic of China na agad atasan ang China Daily na alisin ang naturang video, maglabas ng malinaw na public apology, at panagutin ang mga responsable sa paglikha at pagpapalabas nito.
Ayon pa kay Pangilinan, ang tunay na pamumuno sa daigdig ay nakabatay sa dignidad, paggalang sa kapwa, at pananagutan, hindi sa pagpapakalat ng mga racist stereotype na ipinapalabas bilang impormasyon o komentaryo.
