![]()
Suportado ni dating Eastern Samar Governor at Congressman Ben Evardone ang mungkahi ni Executive Secretary Ralph Recto sa PhilHealth na dagdagan ang benepisyo ng mga paying members nito.
Sinang-ayunan din niya ang panukalang taasan ang PhilHealth coverage para sa mga serbisyong ibinibigay ng mga ospital na pinatatakbo ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Evardone, may batayan sa ilalim ng Universal Health Care Law o Republic Act No. 11223 ang dalawang mungkahing ito.
Aniya, sa mahigit 58.7 milyong PhilHealth members noong 2025, 63.4% ang direct contributors o mga nagbabayad ng kontribusyon.
Inaatasan umano ng batas ang PhilHealth na patuloy na palawakin ang mga programa at benepisyong ipinagkakaloob sa mga direct contributors.
Inamin din ni Evardone, bilang dating gobernador, na mabilis maubos ang pondo ng mga lokal na pamahalaan dahil sa gastusin para sa mga programa, proyekto, imprastraktura, edukasyon, at pagtulong sa mga mahihirap na pamilya.
