![]()
NANINDIGAN si Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi siya papayag na buksan sa Impeachment Court ang tax records ni Vice President Sara Duterte kung walang written authority mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapahintulot sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na ilabas ang mga ito.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang kanyang posisyon ay nakabatay sa umiiral na batas at hindi lamang sa kapangyarihan ng Impeachment Court.
Nauna nang iniutos ni Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero na ibalik sa BIR ang green box na naglalaman ng tax records ni Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio.
Isinumite ng House Prosecution Team ang kahon bilang bahagi sana ng kanilang ebidensya, ngunit hindi ito namarkahan sa pre-trial conference dahil hindi ito napagkasunduan.
Muling hiniling ng prosecution team sa Impeachment Court na ipasubpoena ang naturang kahon, gayundin ang bank records ng mag-asawa.
Batay sa ruling ng Impeachment Court, magsasagawa muna ng oral arguments kaugnay sa hiling ng prosekusyon upang marinig ang panig ng magkabilang kampo bago maglabas ng desisyon.
Ayon kay Lacson, kung magkakaroon ng malinaw na kasunduan ang mga senator-judges sa kanilang caucus, ang presiding officer na lamang ang maglalabas ng ruling matapos ang oral arguments.
Ngunit kung may mga senador na tututol sa magiging ruling, isasailalim ito sa botohan ng Impeachment Court.
Itinakda ang oral arguments sa usaping ito sa Miyerkules, Hulyo 15, 2026.
