dzme1530.ph

ALAMIN KUNG ANO FOOD COMA NA KARANIWANG NARARANASAN MATAPOS KUMAIN NANG MARAMI

Loading

Nakararanas ka ba ng matinding antok at kawalan ng enerhiya matapos ang isang mabigat na pagkain?
 
Ito ang tinatawag na “food coma” o postprandial somnolence, isang karaniwang reaksyon ng katawan pagkatapos kumain.
 
Ayon sa mga eksperto, nangyayari ang food coma kapag mas maraming dugo ang napupunta sa sistemang panunaw upang tulungan ang pagtunaw ng pagkain.
 
Dahil dito, maaaring makaramdam ng pagod, pagkaantok, at pagbabawas ng konsentrasyon ang isang tao.
 
Mas madalas din ito mangyari kapag sobrang dami ang nakain o kapag ang pagkain ay mayaman sa carbohydrates at taba. Ang mga pagkain tulad ng kanin, tinapay, pasta, at matatamis na pagkain ay maaaring magpataas ng antas ng asukal sa dugo na sinusundan naman ng pagbagsak nito, na nagdudulot ng pagkaantok.
 
Bagama’t karaniwan at hindi delikado ang food coma, pinapayuhan ng mga health expert ang publiko na iwasan ang sobrang pagkain at sa halip ay kumain nang paunti-unti at balanse.
 
Makakatulong din ang paglalakad ng ilang minuto pagkatapos kumain upang mapanatiling aktibo ang katawan.
 
Pinapaalalahanan din ang mga taong madalas makaranas ng matinding pagod o pagkaantok matapos kumain na magpakonsulta sa doktor, dahil maaari rin itong maiugnay sa ilang kondisyong pangkalusugan tulad ng diabetes o iba pang problema sa metabolismo.
 
Ang wastong pagkain at malusog na pamumuhay ang nananatiling susi upang maiwasan ang labis na pagkaantok at mapanatili ang sigla ng katawan sa buong maghapon.

About The Author