dzme1530.ph

SHOOTING INCIDENT SA LOOB NG SENADO, PINABUBUSISI

Loading

NAIS ni Senador Bam Aquino na imbestigahan ang naganap na putukan sa loob ng Senado na lumikha ng matinding pangamba ukol sa seguridad, integridad ng institusyon, kaligtasan ng mga empleyado, stakeholders, at mga bisita, gayundin ng maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno.
 
Inihain ni Aquino ang Senate Resolution No. 397, para sa pagsasagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, hinggil sa mga pangyayari.
 
Binigyang-diin ng senador na bilang pangunahing demokratikong institusyon, dapat mapanatili ng Senado ang integridad, maayos na operasyon, at konstitusyonal na kasarinlan nito sa lahat ng oras.
 
Ang mga ganitong insidente anya ay nakasisira sa tiwala ng publiko at sa integridad ng institusyon, nagsisilbing banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga empleyado, bisita at mga miyembro ng media, at nakakaapekto sa katatagan ng demokrasya.
 
Ayon kay Aquino, kinakailangan ang masusing imbestigasyon upang makabuo ng malinaw at mapagkakatiwalaang ulat matapos ang magkakasalungat na pahayag mula sa mga opisyal at ahensya ng gobyerno kaugnay ng pagkakakilanlan, awtoridad, at mga kilos ng mga armadong indibidwal na sangkot sa insidente.
 
Inilantad anya ng insidente ang posibleng kakulangan sa umiiral na mga batas, security protocols, at mga mekanismo ukol sa koordinasyon na sumasaklaw sa deployment ng mga armadong tauhan sa loob ng mga institusyon ng gobyerno.

About The Author