![]()
MULING iginiit ni Senador Risa Hontiveros ang pangangailangan ng komprehensibong pagsusuri ng solid waste management system kasunod ng sunog sa landfill sa Navotas na nakaapekto sa kalapit na mga komunidad at nagdulot ng seryosong banta sa kalusugan at kapaligiran.
Ayon sa senador, ilang araw nang nalalantad sa mapanganib na kalidad ng hangin ang mga residente sa CAMANAVA area, ilang bahagi ng National Capital Region, at maging sa Bataan.
Una nang inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 285 na naglalayong imbestigahan ang mga sistematikong pagkukulang sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9003, kasunod ng pagbagsak ng landfill sa Cebu City.
Binigyang-diin din niya na hindi isolated case ang sunog sa Navotas landfill, kundi bahagi ng paulit-ulit na problema sa waste management sa bansa.
Binanggit niya ang mga nakaraang insidente sa Cebu City at sa Rodriguez, Rizal bilang patunay ng patuloy na pagdepende sa mga landfill.
Ayon kay Hontiveros, malinaw sa batas na dapat “last resort” lamang ang landfill, ngunit dahil sa kakulangan sa implementasyon ng waste reduction, segregation, at recycling sa lokal na antas, napipilitang itambak ang malaking volume ng basura sa mga ito.
