![]()
ISINUSULONG ni Senador Bam Aquino ang panukalang naglalayong palakasin at tugunan ang mga kakulangan sa umiiral na mga polisiya laban sa pagmamaneho nang lasing o nasa impluwensya ng droga.
Ito ay upang maprotektahan ang mga kabataang Pilipino na kabilang sa pinaka-nanganganib sa mga aksidente sa kalsada.
Layunin ng Senate Bill No. 2068 ni Aquino na amyendahan ang Republic Act No. 10586, o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 upang makasabay sa kasalukuyang sitwasyon sa mga kalsada sa bansa, lalo na’t ipinapakita ng datos na ang mga aksidente sa kalsada ay isa sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga kabataang Pilipino.
Batay sa ulat ng pamahalaan, tumaas ng 255.8 Percent ang mga kaso ng drunk driving kumpara noong nakaraang taon.
Itinatakda ng Senate Bill No. 2068 ang mas mababa at nakabatay sa siyensiya na blood alcohol concentration (BAC) thresholds na 0.02 percent para sa mga baguhan at propesyonal na driver, kabilang ang mga operator ng public utility vehicles, at 0.03 porsyento naman para sa iba pang driver ng pribadong sasakyan.
Upang maiwasan ang pag-iwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pag-antala o pagtanggi, ipinatutupad ng panukala ang implied consent kung saan ang pagkakaroon ng lisensya ay nangangahulugang pagsang-ayon sa alcohol o drug testing kapag ito ay hinihingi ng naaayon sa batas.
Lahat ng driver na sangkot sa insidente ay kailangang sumailalim sa chemical test para sa alak at droga sa loob ng dalawang oras matapos ang insidente, at dapat tiyakin ng mga pulis at institusyong medikal na agad itong maisasagawa.
