![]()
Isang panukala na layong palakasin ang maliliit na negosyo at kooperatiba ang isinulong, sa layuning mabawasan ang kahirapan sa bansa.
Ang House Bill No. 8745 o ang “Poverty Reduction Through Social Entrepreneurship Act” o PRESENT Program ay para magbigay access sa maliliit na negosyo sa komunidad tulad ng pondo, training at merkado.
Ayon kay Cong. Nathaniel Oducado na siyang may akda ng HB 8745, ang social enterprise ay mga negosyong kumikita habang tumutulong sa komunidad gaya ng pagbibigay-trabaho, pagsuporta sa magsasaka, mangingisda, at pinapaiikot ang pera o puhunan para sa serbisyong panlipunan.
Layon din ng panukala ang pagbuo ng Social Enterprise Dev’t Council sa ilalim ng DTI para mangasiwa at sumuporta sa mga programa ng PRESENT.
Kumbinsido si Oducado na malaki ang magagawa ng ganitong programa lalo na sa mga panahong dumadaan sa krisis ang bansa gaya ng biglaang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo kung saan pati kabuhayan ng ordinaryong pamilya ay apektado.
