![]()
Hindi na makatarungan ang kasalukuyang presyo ng kerosene at LPG, lalo pa at umiiral ang state of national energy emergency.
’Yan ang puna ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr. kaya ang panawagan nito ay agarang rollback sa presyo ng kerosene at LPG.
Pangunahing tinamaan nito ay ang maliliit na kainan o karinderya.
Sa impormasyon ni Garbin, marami nang karinderya ang nagsara, ang iba ay napilitang magtaas ng presyo, habang ang iba ay nagbawas ng serving.
Iisa umano ang reklamo ng mga kainang ito—sobrang mahal na ang cooking fuel, gas o LPG, idagdag pa ang nagtaasan na ring presyo ng iba pang sangkap sa pagkain.
Dahil sa umiiral na state of national energy emergency, nais ni Garbin na ibalik muna sa 900–950 pesos ang presyo ng 11-kilo LPG tank, habang ang gaas o kerosene ay ibaba sa 70–80 pesos per liter.
Nanawagan din si Garbin sa DOE, DTI at oil players na magtulungan sa paghahanap ng solusyon sa problemang ito.
Hindi aniya ito panahon ng “business as usual” dahil ang kailangan ay koordinasyon, transparency at malasakit.
