dzme1530.ph

Umano’y pagala-galang killer sa Maynila, fake news! —MPD

Pinabulaanan ng Manila Police District (MPD) DD PBGen Andre Dizon ang lumabas na ulat na may kumakalat na “killer” sa Tondo, Maynila.

Partikular sa may bahagi ng Balut kung saan maraming residente ang nababahala at natatakot.

Sa kumalat na balita, dalawa na umano ang napapatay ng killer na pinangalanan “Jhoel” at may alyas na “Blandy”.

Gumagala di umano itong si “Blandy” at basta-basta na lamang namamaril.

Base rin sa kumalat na balita, hindi titigil ito hangga’t hindi nakikita ang gustong patayin.

Gayunman, sa ginawang pag-iimbestiga ng MPD, wala silang nakuhang impormasyon hinggil dito.

Kung kaya’t binigyang-diin ng MPD na “fake news” ang kumakalat na balita at tinutunton na nila ang nagpakalat nito.

Muli naman pinaalalahanan ni Dizon ang lahat ng residente ng Maynila mas maiging kumpirmahin muna sa mga otoridad kapag may ganitong uri ng balita at huwag mabahala dahil oras-oras naman na nakabantay ang kanilang tauhan sa buong lungsod. —sa ulat ni Felix Laban

About The Author