Mariing pinabulaanan ni Marikina City Mayor Maan Teodoro ang mga paratang laban sa kanyang asawa na si Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro.
Ayon kay Mayor Maan, walang katotohanan ang mga akusasyon at tinawag niya itong isang “malaking kalokohan.” Giit nito, hindi ito simpleng paratang kundi bahagi ng isang “malawak at organisadong pagtatangka ng mas malalaking puwersang pulitikal“ para sirain ang pangalan ng kongresista.
Dagdag pa ng alkalde, kilala nito si Rep. Teodoro bilang isang mabuting asawa, ama, at lingkod-bayan na nagsisilbi nang may kababaang-loob, katapatan, at malasakit.
Nagpasalamat din si Mayor Maan sa mga taga-Marikina sa patuloy na tiwala at suporta na aniya’y nagbibigay sa kanila ng lakas upang harapin ang mga paninira.
“May mga taong hindi pa kayang mag-move on kaya patuloy tayong inaatake. Laban lang tayo sa mga nagtatangka pa ring sirain at guluhin ang mahal nating bayan,” ani Mayor Maan.