Ikinatuwa ni Sen. Sherwin Gatchalian ang paglulunsad ng 50% discount beep cards para sa mga estudyante na gagamit ng MRT-3, LRT-1, at LRT-2.
Ayon kay Gatchalian, malaking ginhawa ito para sa mga mag-aaral na nahihirapang pagkasyahin ang kanilang limitadong budget para sa edukasyon.
Iginiit din ng senador na mahalagang tiyakin ng pamunuan ng mga tren na maayos na maipapatupad ang programa upang mas mapakinabangan ito ng mga estudyante.
Dagdag pa nito, hindi lamang diskwento kundi pati kaginhawaan sa biyahe ang dapat isaalang-alang.
Ang programa ay makatutulong upang mabawasan ang gastusin ng libu-libong kabataang araw-araw bumabiyahe papasok sa paaralan, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.