“Why only now?”
Ito ang naging tanong ni House impeachment prosecutor at Manila 3rd District Representative Joel Chua sa pahayag ni Vice President Sara Duterte, na handa umano siyang sagutin ang lahat ng isyu kaugnay ng umano’y maling paggasta ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Chua, mas mainam sana kung noon pa lamang sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay inilahad na ni VP Sara ang kanyang mga depensa tungkol sa kung paano ginamit ng OVP ang naturang pondo.
Gayunman, naniniwala si Chua na makabubuting maipaliwanag na ng OVP ang paggamit sa confidential funds, lalo na’t matagal na itong hinihintay ng publiko.
Matatandaang una nang sinabi ni Vice President Sara na bukas siya sa pagharap sa lahat ng alegasyon laban sa kanya, kahit hindi matuloy ang impeachment trial.