Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na travel date niya ang Hulyo 28 o araw ng ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Ayon sa Bise Presidente, tatayo siya bilang guest speaker sa isang event ng Filipino community sa South Korea sa Hulyo 27, at babalik sa Pilipinas kinabukasan, o sa mismong araw ng SONA.
Paliwanag ni VP Duterte, tinanggap nito ang imbitasyon upang personal na magpasalamat sa mga Pilipino sa South Korea.
Ito na ang ikalawang sunod na taon na hindi dadalo ang Bise Presidente sa taunang ulat sa bayan ng Pangulo.
Samantala, una nang sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na nakahanda pa rin ang Kamara sakaling dumalo si Inday Sara sa araw ng SONA.