Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat pag-planuhang mabuti ang banta ng tatlong bagyo sa bansa ngayong linggo, kabilang ang bagyong Nika, Ofel, at Pepito.
Ayon kay Marcos, mas komplikado ang sitwasyon dahil kailangang munang pag-isipan kung kaagad nang aayusin ang mga sinira ng naunang bagyo, dahil maaaring sirain lamang ito ng susunod na bagyo.
Kaugnay dito, bagamat inaasahang lalabas na ng bansa ngayong araw ang bagyong Nika, sinabi ng Pangulo na dapat na ring bantayan ang mga susunod na bagyo.
Hinikayat ang publiko na makinig sa kanilang mga lokal na pamahalaan at mga awtoridad, at kaagad umanong maghahatid ng tulong ang national gov’t kung kina-kailangan.
Samantala, tiniyak din ni Marcos na nailatag ang lahat ng paghahanda kaugnay ng bagyong Nika, kabilang ang maagang paglilikas sa mga residente, at pag-preposition ng mga kagamitan at relief goods. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News