dzme1530.ph

Pagtatakda ng minimum wage hike sa bawat rehiyon, dapat idaan sa batas

Mas pabor si Senate Minority leader Koko Pimentel na isabatas ang pagpapatupad ng bagong minimum wage rates nationwide.

Ito ay kasunod ng direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPBs) na repasuhin ang minimum wage rates sa kani-kanilang rehiyon at ikunsidera ang epekto ng inflation.

Sinabi ni Pimentel na maganda ang naging utos ng pangulo subalit mas mainam na idaan sa legislation ang pagtakda ng bagong nationwide minimum wage rates.

Iginiit ng senador na lumilitaw na hindi gumagana ang kasalukuyang sistema ng regional wage boards dahil nangangailangan pa ng atas mula sa pangulo upang sila ay kumilos.

Maaari aniyang out of touch o hindi nakikita ng regional wage boards ang reyalidad o ang tunay na sitwasyon ng mga manggagawa bukod pa sa hindi sila sensitibo sa kalagayan ng mga empleyado.

Marami na aniyang naghihirap dahil hindi na makatarungan o hindi na sapat ang umiiral na minimum wage.

Sa kabila nito, walang plano si Pimentel na irekomendang buwagin na ang regional wage boards dahil maaari naman aniyang maging maayos ang sistema.

About The Author