dzme1530.ph

Senado, hinimok kasuhan ang mga nasa likod ng pekeng P.I

Hinikayat ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang Senado na pag-aralan ang mga posibleng ligal na aksyon laban sa mga mastermind ng pekeng People’s Initiative para sa Cha-cha.

Ginawa ni dela Rosa ang pahayag matapos ang unang pagdinig kaugnay sa mga kontrobersya sa PI.

Sinabi ni dela Rosa na bagama’t sinuspinde ng Comelec ng lahat ng proseso kaugnay sa PI, kailangan pa ring matukoy ang mga responsable sa panloloko sa publiko para makapangalap ng lagda para sa tinawag niyang Politicians’ Initiative.

Sa sandali anyang matukoy ang mga may pakana ng pekeng PI ay maaari nang isama sa rekomendasyon ng kumite ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga ito.

Iginiit ni dela Rosa na dapat matuldukan ngayon ang ganitong uri ng panloloko upang hindi na maulit sa mga susunod na henerasyon.

Hinikayat din ni dela Rosa ang publiko na bawiin ang kanilang pirma kung pinilit lamang sila o pinangakuan ng ayuda. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author