dzme1530.ph

8-point Socioeconomic Agenda ng administrasyon, maipatutupad sa 2024 Proposed National Budget

Patuloy na maipapatupad ng gobyerno ang 8-point socioeconomic agenda ng administrasyong Marcos maging ang iba pang strategic goals para sa ikauunlad ng Pilipinas sa ilalim ng panukalang 2024 National Budget.

Ito ang tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara sa gitna ng pagsisimula ngayong araw ng debate sa panukalang budget sa Mataas na Kapulungan.

Sa usapin ng food security, sinabi ng senador na naglaan ng ₱107.75 bilyong pondo para sa banner programs ng Department of Agriculture (DA) kasama na ang patuloy na pagbibigay ng fuel assistance sa mga mangingisda at magsasaka.

Umaasa aniya siyang makakatulong ang pondong ito para magampanan ni bagong DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kanyang mandato.

Para sa sektor ng transportasyon, ibinahagi ni Angara na maglalaan ng pondo para sa fuel subsidy ng mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers at sa pagpapatuloy ng Service Contracting Program.

Sa sektor ng edukasyon, dinagdagan ng Senado ang pondo para sa Department of Education at sa mga attached agencies nito ng 3.5 billion pesos, gayundin sa Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at sa iba’t-ibang State Universities and Colleges (SUCs).

Sa sektor naman ng kalusugan, nagdagdag ng ₱ 125 million para sa ‘Doktor para sa Bayan Program’ at sa mga healthcare facilities sa buong bansa.

—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News

About The Author