![]()
Sinita ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 25 mula sa 65 gasoline stations sa unang tatlong araw ng kanilang malawakang fuel marking enforcement drive sa buong Luzon.
Sa statement, sinabi ng BIR na naglunsad sila ng multi-week fuel marking operation noong Aug. 17 upang matukoy ang posibleng tax non-compliance sa pamamagitan ng field-testing gasoline, diesel, at kerosene.
Ang petroleum products na babagsak sa field tests ay agad isasailalim sa imbentaryo, sealing o ipa-padlock, at karagdagang confirmatory testing.
Inihayag ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na gagamitin nila nang husto ang fuel marking at ibang paraan sa pagpapatupad ng batas upang matukoy ang revenue leakages, agad itong maaksiyunan, at maprotektahan ang mga tapat na nagnenegosyo mula sa hindi patas na kompetisyon sa petroleum sector.
