![]()
Inaresto ng mga awtoridad ang isang 18-anyos na estudyante na sinasabing nasa likod ng serye ng online bomb threats sa ilang public at private schools sa San Ildefonso, Bulacan.
Nasakote ang estudyante sa Barangay Hilera, Jaen, Nueva Ecija, kagabi sa inilunsad na manhunt operations ng mga tauhan ng Bulacan at Nueva Ecija Police.
Nagdulot ng pangamba sa mga estudyante, magulang, school officials, at mga residente ang online bomb threats na ginawa nitong Lunes at Martes.
Agad namang nagsagawa ng follow-up investigations ang mga awtoridad kung saan na-validate ang pagkakakilanlan ng suspek at isinagawa ang intelligence-driven operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng estudyante.
Nakaharap ngayon ang estudyante sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law at Article 282 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
