Sibak na sa pwesto ang nasa 13 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa National Capital Region (NCR) matapos na masangkot ang mga ito sa isyu ng katiwalian.
Ayon kay PNP-CIDG Dir. PBGen Romeo Caramat, dawit umano sa “hulidap” ang mga sinibak matapos arestuhin nila ang isang Chinese national habang naglalaro ng Majhong sa kwestiyonableng raid sa Paranaque nitong Lunes.
Agad nakipag-ugnayan ang biktima kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia at ikinuwento ang pagkuha ng mga pulis ng mga relo, alahas at P3-M mula sa vault ng biktima.
Bukod dito ay nangikil din umano ng P10-M ang mga ito sa mga biktimang Chinese nationals kapalit ng kanilang kalayaan.
Kabilang sa mga sinibak sa pwesto ay ang 10 non-commissioned officers at 3 police commissioned officers kabilang na ang mismong hepe ng CIDG-NCR na si P/Col. Hansel Marantan.