dzme1530.ph

KUMPIRMASYON SA APPOINTMENT NG ISANG JBC MEMBER, HINARANG NI SEN. IMEE MARCOS DAHIL SA KWESTYONABLENG SALN

Loading

Hinarang ni Senador Imee Marcos ang kumpirmasyon kay Atty. Nesauro Firme bilang regular member ng Judicial and Bar Council o JBC na kinatawan ng academe.
 
Sa confirmation hearing ng Commission on Appointments, inungkat ni Marcos ang anya’y kwestyonableng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Firme para sa taong 2023 at 2024.
 
May kaugnayan ito sa ilang real property na nabili umano ng milyong piso ni Firme subalit nakasaad na mahigit P200,000 lamang ang halaga.
 
Bukod pa aniya rito ang ilang bahay na umano’y pag-aari ni Firme na hindi naideklara nang tama ang halaga.
 
Dahil dito, pinagsusumite ni Marcos ng written explanation si Firme sa umano’y discrepancy sa kanyang SALN.
 
Ito ang ikalawang pagkakataon na sumalang sa CA hearing si Firme matapos siyang muling italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang regular member ng JBC.
 
Panibagong apat na taon ang kanyang termino na tatagal hanggang 2030 matapos ang kanyang unang termino na natapos noong July 2026.

About The Author