dzme1530.ph

WORD WAR NINA SEN. ALAN CAYETANO AT SEN. PING LACSON, PERSONALAN NA

Loading

Personalan na ang word war sa pagitan nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Senador Panfilo “Ping” Lacson.
 
Pinakahuling nagbigay ng pahayag si Cayetano at iginiit na hindi dapat Panfilo ang pangalan ni Lacson kundi “Panlito” dahil nililito umano nito ang taumbayan sa pagsilip sa umano’y flood control projects sa Taguig City.
 
Una rito, inalmahan ni Lacson ang mga pahayag ni Cayetano laban sa kanyang integridad at iginiit na ipagtatanggol niya ito.
 
Ibinunyag din ni Lacson na may mga impormante at testigo umanong handang magbigay ng impormasyon at ebidensiyang maaaring magamit laban kay Cayetano.
 
Ito ay matapos kuwestiyunin ni Cayetano ang pagtaas ng idineklarang net worth ni Lacson, na aniya’y tila nadoble batay sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) nito noong Hunyo 30, 2025.
 
Inilarawan din ni Cayetano ang kanyang sarili bilang isang crusader laban sa korapsyon sa pamamagitan ng kanyang “KKK” o “Katotohanan, Konstitusyon, at Paglaban sa Korapsyon.”
 
Sinagot naman ni Lacson si Cayetano at iginiit na lehitimong napagkakitaan ang kanyang yaman sa pamamagitan ng mga pribadong negosyo at hindi siya kailanman gumamit ng budget insertions o tumanggap ng kickbacks.
 
Ibinunyag din ni Lacson ang umano’y mga ghost flood control projects sa Taguig City, na political bailiwick ni Cayetano. Idinagdag pa niya na ang city engineer umano nito ay isang “self-styled BGC Boy” na nagsusugal ng malalaking halaga sa iba’t ibang casino sa Metro Manila.

About The Author