Tinutunton na ng National Bureau of Investigation ang taong umano’y kinontrata ni Vice President Sara Duterte, upang patayin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at iba pang personalidad.
Ayon kay Dep’t of Justice Usec. Jesse Andres, inatasan na ang law enforcement agencies na alamin ang pagkakakilanlan at kinalalagyan ng indibidwal o mga taong posibleng nagpa-plano ng masama laban sa Pangulo.
Iginiit ni Andres na mahalagang malaman ang naging hakbang sa pagkontrata sa serbisyo ng isang mamamatay-tao.
Inaasahan naman ni NBI Director Jaime Santiago na mismong si VP Sara ang magpapaliwanag kung sino ang nasabing indibidwal, sa oras na humarap ito sa imbestigasyon sa bisa ng ipadadalang subpoena.
Itinuturing din umanong mabigat ang banta ni VP Sara dahil siya ay nasa mataas na posisyon sa gobyerno at may malawak na impluwensya.
Tiniyak naman ni Andres na gagamitin ang tulong ng lahat ng law enforcement agencies at sasampahan ng mga kaukulang kaso ang mga mapatutunayang nagsasabwatan laban sa Pangulo.
Iginiit pa nito na ang anumang banta sa Pangulo ay banta sa lahat ng Pilipino, kasabay ng paalala na si VP Sara ang makikinabang at aakyat bilang Pangulo sakaling masawi si Marcos. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News